Cooking-Baking Terms

and their meanings in Tagalog

Saute, Fry, Blanch, Poach, Cream, Cut-in, Shred, Grate, Julienne, Score, Deglaze, Braise, Toast, Broil, Drizzle, Fold, Knead, Caramelize, Softened, Whisk

Basic Cooking Terms

Baste - paraan ng pagdadagdag ng moisture para hindi matuyo ang karne habang niluluto. Maaaring gumamit ng sandok o kutsara, salukin ang sauce na pinaglulutuan at ibuhos sa karne o di kaya gumamit ng brush at pahiran ng sauce ang buong labas ng karne.

Bind - pagdadagdag ng binder na sangkap, kagaya ng itlog o arina na makakatulong para mabuo at hindi sumabog ang mga pagkaing gaya ng burger, palaman ng lumpiang shanghai o di kaya para hindi kumalat ang stuffing ng karne.

Blanch - ilublob ng sandali sa kumukulong tubig upang mapalambot lang ng bahagya(karaniwan sa mga vegetables) o di kaya ay paraan para mabalatan ang mani at almonds, o para matanggal ang sobrang pait o alat ng isda, gulay, atbp.

Braise - paraan ng pagluluto kung saan pinapupula muna ang karne, at pagkatapos ay iniluluto na me kaunting liquid sa kaserola na nakatakip ng kung ilang oras para lumambot ng husto ang karne.

Brine - pagbababad sa pinaghalong tubig, asin at asukal. Ito ay paraan na nakakalambot at nakakadagdag ng flavor sa karne.

Broil - paraan ng pagluluto kung saan ang init o direct heat ay nanggagaling sa itaas, kagaya ng broiler ng oven o ng salamander. Karaniwan ginagamit para mamula ang ibabaw o di kaya para matunaw ang topping na keso para sa magandang food presentation.

Caramelize - iluto hanggang ang natural sugar ng pagkain, gaya ng sa sibuyas, ay lumabas at maging brown ang kulay nito.

Cure - paraan ng pag-preserve sa pamamagitan ng asin, o di kaya pagpapatuyo (kagaya ng Tuyo) o pag-i-smoke(gaya ng paggawa ng tinapa).

Deglaze - paraan ng pagluluto kung saan ang mga nakadikit na drippings sa kawali o pinag-prituhan ng karne ay nilalagyan ng liquid at ini-scrape para mapasama ang lasa nito sa lutuin.

Dice - hiwain ng maliliit na pa-kudrado(cube) na pare-pareho ang size at korte.

Dredge - ipagulong o pabalutan ng isang pinong sangkap or in powdered form kagaya ng asukal o arina.

Grate - gadgarin sa pamamagitan ng grater, maaaring pino o malalaki depende sa sizes ng butas ng grater.

Mince - hiwain o tadtarin ng pinong-pino.

Julienne - hiwain na parang matchsticks. karaniwan sa gulay na pang-dekorasyon.

Pan-fry - iluto sa kaunting cooking oil sa medyo malakas na apoy.

Poach - iluto sa bahagyang mainit na liquid na hindi kumukulo, kagaya ng poached eggs.

Reduce - pakuluin hanggang sa kumonti ang sabaw o liquid at maging concentrated ang flavor o di kaya lumapot ang liquid.

Saute - igisa o iluto sa kaunting mantika, at sa Filipino cooking, karaniwan ginagamitan ng bawang at sibuyas.

Scald - painitin nang di pinababayaang kumulo, o hangga lamang sa may mga bula sa gilid ng kaserola.

Sear - papulahin (karaniwan para sa karne o isda) sa malakas na apoy na may kaunting mantika upang ma-develop ang flavor at para sa nakakagana at magandang presentation.

Score - paglalagay ng mababaw na hiwa sa karne o isda - karaniwan ay para madaling maluto ang loob o di kaya para magkaroon ng dekorasyon ang karne - kagaya ng paggawa ng ham.

Shock - ilublob sa ice water upang matigil ang patuloy na pagluto dahil sa residual heat, ginagamit sa vegetables upang manatiling malutong o sa seafood upang hindi maluto ng husto at tumigas.

Shred - gadgarin, maaring pino kagaya ng keso, or coarse o malalaki kagaya ng sa paggawa ng coleslaw.

Skim - pagtanggal ng scum o impurities o di kaya sobrang oil na pumapaibabaw sa liquid na pinapakulo upang maging clear ang maiiwang liquid. Kutsara or malaking sandok ang maaring gamitin dito.

Simmer - iluto sa liquid na mainit ngunit hindi kumukulo. Karaniwang pinakukulo muna ang sabaw o liquid at saka hinihinaan for the rest of the cooking process.

Steam - paraan ng pagluluto kung saan singaw lang ng mainit na tubig ang siyang gamit sa pagluluto. Ito ang paraan na ginagamit sa pagluluto ng Leche Flan, o Siomai, o Sapin-sapin.

Stew - paraan ng pagluluto sa kaunting sabaw na may mahinang apoy.

Stir-fry - paraan ng pagluluto kung saan ginagamitan ng malakas na apoy at kaunting mantika at mabilis at continous ang paghahalo.

Water Bath - paraan ng pagluluto na ginagamitan ng oven kung saan nakalagay ang lutuan na walang takip sa isa pang mas malaking lutuan na me kalahating sukat ng tubig at nakasalang sa oven. Ito ay isa pang paraan ng pagluluto ng Leche Flan.


Basic Baking Terms :


Beat - batihin ng mabilis para maging mabula, karaniwang ginagamit sa itlog o di kaya sa heavy cream para gumawa ng whipping cream. Maaaring gamitan ng mixer or wire whisk.

Caramelize - illuto ang asukal hanggang sa pumula or maging caramel ang kulay.

Cream - batihin, karaniwan ang butter at asukal sa cake making, hanggang sa maging light ang kulay at ang spreading consistency.

Grease - paraan ng paglalagay ng langis sa baking, maaaring butter o lard, para hindi dumikit at madaling tanggalin sa pan

Knead - i-masa ang dough para maging makinis at elastic.

Lukewarm - maligamgam na temperature. Karaniwan ginagamit para sa tubig na pang-activate ng yeast sa breadmaking, dahil kung mainit ang tubig, mamamatay ang yeast at hindi aalsa ang tinapay.

Pre-heat - painitin, karaniwan para sa oven, makikita sa umpisa ng baking procedure upang maging ready na oven sa tamang temperature by the time na naitimpla na ang cake, etc. Importante itong sundin lalo na kapag gumagawa ng pagkaing ginamitan ng leaveners o pampa-alsa.

Sift - salain para maging pino at walang buo-buo, karaniwan para sa dry ingredients kagaya ng arina, asukal, cocoa powder, atbp.

Softened - pabayaang lumambot, karaniwan sa butter o di kaya cream cheese. Hindi ito katulad ng Melted o Tinunaw. Iniiwan sa room temperature ng ilang oras ang kailangang i-softened - at hindi maaring gamitan ng heat kung hindi ay matutunaw at magiging liquid ang butter.

Soft Peaks - stage ng pagbate ng eggwhite kung saan ang bula ay hindi gaanong thick o malapot. Ang paraan ng pag-check nito ay sa pamamagitan ng paglublob ng wire whisk sa binating eggwhite at saka itaas ito, ang peak o dulo ng bula ay pointed pero malambot at hindi gaanong stable. Mabilis ma-deflate ang bula sa ganitong stage.

Stiff Peaks - stage ng pagbate ng eggwhite kung saan ang bula ay thick o malapot. Ang paraan ng pag-check nito ay sa pamamagitan ng paglublob ng wire whisk sa binating eggwhite at saka itaas ito, ang peak o dulo ng bula ay stable at hindi gaanong gumagalaw. Kailangang gamitan ng stabilizer kagaya ng cream of tartar o boiled sugar para makuha ang ganitong stage.

Whip - batihin, ang kahulugan ay kagaya ng salitang Beat or Whisk na karaniwang ginagamitan ng mixer o wire whisk.

Whisk - batihin ng sa pamamagitan ng paggamit ng isang kitchen tool na may wire loops or whisk.



Return to Home Page

Return to Cooking-Baking Terms Top Page

Subscribe to filipino-food-recipes.com to get access to our Recipe Index Page!

Don't worry, your email address is totally secure

and will only be used to send you updates!


New! Comments

Have your say about what you just read! Leave me a comment in the box below.

Mytaste.ph